Si Jean Paul-Sartre
Naniniwala ang pilosopong si Jean Paul-Sartre na tayong mga tao ay ganap at isunumpa para maging malaya. Dahil sa hindi maikakailang kalayaang ito, masasabing wala tayong Diyos.
Pinatunayan niyang hindi maipagkakasundo ang konsepto n gating pagiging malaya at ang pagkakaroon ng Diyos sa pamamagitan nang pagtalakay niya ng pagkakaiba ng mga kaisipang “kakanyahan bago ang kariyanan” (essence precedes existence) at “kariyanan bago ang kakanyahan” (existence precedes essence.) Ipinaliwanag niya na lahat ng inilikha at inembento ng tao ay may nakatakda nang kakanyahan e.g. hitsura, porma, silbi, gamit, etc. sa isip ng manlilikha o imbentor bago pa man ito gawin. Kaya, sila ay sumusunod sa kaisipang “kakanyahan bago ang kariyanan.” Hindi sila malayang pumili kung anong gusto nilang maging. Tayong mga tao, ayon sa kanya ay hindi ganito. Dahil kung may isang Makapangyarihang Tagapaglikha na tinatawag nating Diyos, para na rin tayong mga likha ng tao na may nakatakda nang kakanyahan bago pa man tayo ipanganak. Naniniwala si Sartre na hindi ito maaari kasi tayo nga ay may ganap na kalayaan (absolute freedom) at isinumpa tayo para maging malaya (condemned to be free.) Ganap, dahil walang Diyos na makakapigil sa atin, at isinumpa dahil wala tayong kawala sa pagiging malaya.
Isinilang tayo na wala pang kakanyahan o essence. Nagkakaroon tayo nito bilang resulta ng ating mga desisyon at mga ginawa habang tayo ay lumalaki. Ayon pa sa kanya, ang ating kakanyahan ay ang kalahatan ng ating mga gawa at mga napagtagumpayan. Sa madaling salita, nauuna an gating kariyanan ke’sa sa ating kakanyahan. Kaya, walang Diyos na Tagapaglikha, tayo ay malaya.
Kakabit daw ng ating pagiging ganap na kalayaan ay ang ganap na pananagutan. Dahil wala tayong Diyos na masasandalan, tayo ang magbibigay solusyon sa ating mga suliranin. Dahil walang Diyos na gumawa ng lahat, wala tayong karapatan magreklamo sa kung anumang sitwasyon tayo napapalagay. Lahat ay kagagawan natin.
At para sa isang makabuluhang pamumuhay, bilang mga nilalang na may kalayaan, ay gumawa ng konsepto ng moralidad at mga pagpapahalaga(values) dahil wala ngang Diyos na nagdidikta ng mga ito sa atin.
Ako
Masasabi kong kahanga-hanga si Sartre. Akalain mong naisip niya ang mga bagay na yun? Hindi ako isang pilosopo. Wala akong kredibilidad para sabihing mali siya. Hindi ako masyadong matalino para sabihing may kulang pa. Hindi ko siya ganoon kakilala para paghusgahan siya. Pero ito ang masasabi ko, may punto siya, magaling ang mga argumento niya.
Magiging dahilan ba ito para hindi na ako maniwala na may Diyos? Ang sagot ko ay hindi.
Marahil dahil sa kanyang salita, ako ay isang “duwag, at walang binatbat, at walang kwenta. (They are cowards and scum.”) Pero hindi.
Marahil dahil ayoko ko lang talagang tumiwalag sa mga nakagisnan ko nang paniniwala. Pero hindi.
Ang sagot kung bakit hindi? Kasi naniniwala akong walang ganap na kalayaan. Hindi lahat ng bagay ay magagawa ng natin ng walang limitasyon. Hindi lahat ng gusto natin ay nasusunod. Hindi lahat ng gustuhin natin ay mangyayari.
Bilang mga tao, sadya tayong may mga kahinaan. Natural yan. Hindi dahil malaya tayo ay mawawala na ang karakteristik na ito. Oo, marahil pwede natin itong kontrolin at malagpasan, pero darating at darating pa rin ang mga oras na magiging mahina tayo.
Bilang mga malayang tao, bakit karamihan pa rin ang naniniwala sa Diyos? Dahil kailangan nating maniwala, hindi dahil tayo ay likha niya, kundi dahil tayo ay tao. Tao na gustong mabuhay ng masaya at makabuluhan, tao na may mga hindi naipapaliwanag na mga bagay-bagay at misteryo, tao na may kalayaang maniwala sa gusto niyang paniwalaan para maibsan ang mga pagkukulang niya.
Oo, tama siya na tayo mismo ang gumagawa ng ating mga kakanyahan at wala nang iba. Pero hindi natin maipagkakaila na may tumutulong sa ating ibang tao, ibang mga aspeto katulad ng klima, pangangailangan, atbp. Hindi sapat ang argumento na nagawa natin ang lahat dahil lang sa malaya tayo. May mga bagay na umuusbong na nagsasabi sa ating kailangan nating gawin ang mga bagay bagay. Kung kailangan mo at matino kang tao, hindi mo ba to gagawin kasi may kalayaan kang hindi gawin ito. Hindi ako masyadong bihasa sa Pilosopiya pero alam kong ito ay sumasakop lamang sa may matitinong pag-iisip at mga makabuluhang ideya.
Isa pa, masasabi bang lohikal kapag kinompara ang mga tao sa mga bagay? Dahil nga bagay sila, wala silang kakayahan para magdesisyon kung anong maging gusto nila. Natural yan sa kanila. Gawa lamang sila ng mga tao na hindi Diyos, na makapangyarihan at nakakapagbigay buhay. Ang mga bagay ay walang kakayahang hindi magpa-likha kung gusto siyang ilikha at kailangan siyang ilikha. Ang mga bagay ay produkto ng pangangailangan ng mga tao. Masasabi ba nating produkto tayo ng pangangailangan ng Diyos? Harapin natin ang katotohanan na tayo ang nangangailangan sa isang konsepto ng Diyos.
Sa tingin ko, ang mga pilosopiyang ganito ay hindi masama. Marahil hindi tama sa mata ng simbahan, pero isa itong pagsubok sa paniniwala ng mga naniniwala. Isang pagsubok na kapag nalagpasan ay magbubunga sa isang mas magandang paniniwala at relihiyon. Isang bagong estruktura na may mas matatag na pundasyon.
Muli hindi ako nagsasabing mali si Sartre. Di ko sinasabing masama siyang tao. Isa lang siyang taong nag-iisip at nag-oobserba sa mga bagay-bagay sa mundo. Hindi rin ako nagsasabi na tama ako. May tama nga ba sa mundo ng Pilosopiya? Hindi ko alam. Maniwala ka sa gusto mong paniwalaan. Malaya ka.