Ang Karatong
ay isang magarbo, masaya at makulay na pagdiriwang sa Cuyo, dating
sentrong bayan ng Palawan. Mga bulaklak ang pinagtutuunan ng atensyon
sa selebrasyong ito, partikular ang bulaklak ng matamis na manggang
matatagpuan lamang sa bayan ng Cuyo.
Labis na
kinasasabikan ng mga mamamayan ng Cuyo ang pagsapit ng ika-27
(dalawampu't-pito) ng Setyembre taun-taon, kung kailan masigabong
namumulaklak na ang matatayog na mga puno ng manggang nakahilera sa
gilid ng mga lansangan at pati na rin sa malalawak na taniman. Ang
araw na ito ay siyang pagdiriwang ng Karatong.
Napakaligaya ng
selebrasyong ito. Nagdaraos ng makulay na parada para sa pasasalamat
kay San Agustin, ang patron ng Cuyo. Sumasali sa parada ang
kababaihan na nakasuot ng tradisyunal na baro't saya at patadyong.
Sila rin ay may dala-dalang bunga mangga, isang makulay at
malaking representasyon ng bulaklak ng mangga. Hawak-hawak ang mga
ito, magiliw silang sumasayaw sa saliw ng isang rondalla at ng mga
Karatong.
Samantala, karatong
naman ang dala ng kalalakihan. Ito ay isang instrumentong pang-musika
na gawa sa maikling kawayan. Masining nila itong pinipintahan at
dinedisenyuhan. Kanila itong itinatali sa beywang at pinatutugtog sa
pamamagitan ng dalawang patpat.
Isinasagawa ang
parada sa kalagitnaan ng hapon. Nagsisimula ito sa patio ng simbahan
at nagtatapos naman sa plasa. Nakamamanghang tingnan ang napakaraming
makukulay na bunga mangga na umiindayog sa ritmong bigay ng mga
karatong.
Sa pagdaan ng
panahon, ang magarbong parada ay nagkaroon ng mga pagababago sa mga
hakbangin at pormasyon. Di gaya ng dati, hindi na lamang ito
isinasayaw tuwing pista. Isa na itong katutubong sayaw.